|
Photo by Nico Salas |
Nasalubong ko ulit siya kanina. Mainit yata ang ulo kaya hindi man lang siya ngumiti. May problema siguro siya kaya siya ganon. Pero di bale, para sa akin, maganda pa rin siya.
Ewan ko ba at bakit di ako makapagsalita kapag nasa harap ko na siya. Lahat ng gusto kong sabihin ay biglang nawawala. Gusto kong mapansin niya ako sa klase kaya grabeng aral at basa ang ginagawa ko. Pero bakit ganon? ‘pag ako na ang tinawag sa klase, nawawala lahat ng inaral ko?
Magpapaturo sana ako sa kanya. Pero paano? Matagal ko ng planong lumapit sa kanya pagkatapos ng discussion sa klase. Siguro gragraduate na ako’t lahat, di ko parin ‘yon magagawa. Matalino kasi siya. Di ko kayang abutin. Marami siyang alam. Kahit hindi yata siya magbasa ng topic at lesson namin, alam niya kung ano ang sinasabi niya sa klase.
Natutuwa akong panoorin siya sa isang sulok kapag kasama niya ang mga kaibigan niya. Naisip ko, ordinaryong tao pa rin pala siya. Hindi lang puro aral. Tumatawa din siya ng malakas, nakikipagbiruan at mababaw din ang kaligayahan. Masarap siyang pagmasdan kapag ganon siya kasi di siya seryoso, walang maskara at siyang siya.
Minsan, narinig ko ang usapan nila. Akala siguro nila walang ibang tao. Umiiyak siya. Malungkot. Kinukwento ang nangyari sa kanya. Gusto kong suntukin yung taong nagpaiyak sa kanya. Wala sa sarili ang taong yun. Gusto kong sabihin sa kanya, “Nandito ako.” Bakit di na lang ako?
Pero impossible talaga ang iniisip ko. Di nga niya ako kilalang talaga eh. Nginingitian niya ako minsan pero ni simula nga ng pangalan ko siguro ay di niya matandaan. Pero kahit ganon, masaya na ako. Makita ko lang siya bago pumasok o bago ako umuwi, masaya na ako.
Mababaw na kung mababaw. Corny na kung corny. Pero sa akin, di ito kababawan at ca-kornihan.
Dahil sa kanya, nagsisikap akong mag-aral. Noon, walang kaso kung magkaroon ako ng singko. Ngayon, hanga’t maari gusto ko ng maabot ang dos. Nagpupuyat na ako ngayon para magbasa at intindihin ang mga babasahin sa klase. Marunong na din akong mangarap. Kung puede nga lang, gusto ko ng matapos agad para makahanap na ng magandang trabaho at magkaroon ng magandang buhay.
Siguro, kapag may trabaho na ako, magkakaroon na ko ng lakas ng loob na kausapin siya at sabihin kung ano man ang nararamdaman ko ngayon. Pero ngayon pa lang, gusto ko na siyang pasalamatan kasi dahil sa kanya, nabuo ang mga pangarap ko sa buhay.
Balang araw, babalik ako sa CLSU para sa sabihin ang nararamdaman ko para sa ‘yo ma’am. Pangako.
*a letter from an anonymous student during my earlier years in the academe. My only contribution to this piece is its title, Buhay Estudyante. The content is solely attributable to the unknown author’s talent in creative writing.
hmm hi Ma'am.. sino po kaya iyan? :)) hmm naiinspire po talaga ako sa mga writings and lecture nyo.. everytime po na nagkaklase tayo.. feeling ko po malapit na ko sa pangarap ko.. thanks for everything Ma'am..
ReplyDeletehmm di ko po expected na magiging prof ko kayo, and super happy po ako nung nameet ko kayo..
sana isa po ako sa makakamit ng challenge nyo samin.. :D
thank you.. you forgot to include your name, though :)
Delete